Wednesday, November 11, 2009

Pipi?


Gaano nga ba kahalaga sa isang tao ang makapagsalita at masabi sa mga nakapaligid sa kanya kung ano ang ang laman ng isip n'ya o opinyon n'ya sa isang sitwasyon? Malamang-lamang na halos lahat ng nagbabasa ngayon ay sasabihing, "OO, MAHALAGA! ANO BANG KLASENG TANONG YAN?". Pwes, tama naman ang sagot n'yo! Wag magalit kung parang walang kwenta ang tinanong ko sa inyo. Kung gusto n'yo pa malaman kung bakit yan ang tanong ko, edi patuloy n'yo na lang basahin itong sulat ko ngayong araw na ito. Kung hindi naman ay wag ng mahiyang i-close ang window ng blog ko.

Okay, simulan na natin ang kwento. Ganito kasi yan, ngayong araw na ito, halos wala na akong boses. Hindi ako makapagsalita ng maayos at hirap akong iparating sa mga kasamahan ko sa trabaho kung anuman ang gusto kong sabihin sa kanila. Badtrip! Halos pumipiyok ako sa sobrang hirap magsalita. Pakiramdam ko, isa akong pipi. Parang piping tahimik at walang imik. Kapag nag-uusap usap ang mga tao sa paligid ko, gusto ko mang magbigay ng opinyon, parang ang hirap hirap at hindi nila gaano maintindihan ang mga sinasabi ko. Kaya ito, sinubukan ko na lang magsulat patungkol sa mga ideya na biglang naglaro sa isip ko. Mga bagay na nararamdaman ko sa mga oras na ito.

Pipi. Ang kawalan ng abilidad upang makapagsalita. Pagkabihag sa isang kapansanan. Meron lang akong gustong itanong sa inyo ngayon: Pipi nga lang ba ang walang abilidad na magsalita, o pati ang mga taong walang kapansanan na piniling mawalan ng karapatan ang sarili upang maging malaya? Naaalala mo ba ang mga eksenang ito: 1) Nung ikaw ay bata pa, kapag pinagsabihan ka ng magulang mo, nakikinig ka lang at hinahayaan mo na lang sila na pagalitan ka o payuhan ka dahil wala kang karapatan na sagutin sila dahil sila ay iyong mga magulang? Nung tumagal-tagal, unti-unti mong napapansin na natututunan mo ng sumagot sa kanila dahil gusto mong malaman nila kung ano ang iyong saloobin at nararamdaman. Sa pagkakataong ito - pinili mong malayang ibahagi ang iyong kaisipan. 2) Nung nagsisimula ka pa lang mag-aral sa paaralan, ang tingin mo sa mga sinasabi ng iyong guro ay panay tama. Habang tumatagal ay napapaisip-isip ka at natututunan mo munang suriin ang mga binibitiwan nilang salita bago ka maniwala. Nagpapahayag ba ito ng pagiging malaya? Tama! - ang pagbibigay mo ng kalayaan sa iyong sarili upang pumili ng tama o mali. 3) E ano naman ang masasabi mo sa eksenang nakapagsinungaling ka sa isang tao. Hindi ba't ang hirap ng feeling? Lalo na kapag pinili mong itago na lang ito sa kanya. Pero may mga pagkakataon naman na inaamin natin ang ating pagsisinungaling sa taong napagsinumgalingan natin. - ang pagpili nating maging malaya mula sa pagkakabihag sa kasinungalingan. Ilan lang yan sa mga halimbawa ng gusto kong ipahiwatig ngayong araw na ito. Pero may mas higit pa akong pakay sa pagsusulat ng mensaheng ito.

Isa pang tanong. Pasensya kung matanong akong tao. Pero bago pa mas lalong humaba ang usapan, itatanong ko na ang huli kong katanungan. Rehistradong botante ka na ba? Nalalapit na naman ang halalan. Isa ka ba sa nagbaliwala ng karapatang pumili ng panibagong mamumuno sa pamahalaan ng ating bansa? Aminado ako, wala din akong pakiaalam noon. Umabot ako ng 25 years old bago ko naisipan na maaaring ako ang maging simula ng pagbabago. Iniisip kasi natin na isang boto lang naman ang bilang na ating maiaambag sa halalan. Pero naisip ba natin na, sa isang bilang na ating ibabahagi ay maaring makapagbago ng sitwasyon ng ating bansa? Ang malaking bagay ay nagsisimula sa maliit. Ang maliit ay magkakaroon ng kahulugan kung gagawin ng tama. Ang maliit ay magiging malaki kung pagsasama-samahin. Ang maliit ay magiging makabuluhan kung lahat tayo ay magtutulungan. Alam kong tapos na ang panahon ng pagrerehistro. Pero hindi pa huli ang lahat para makatulong sa bayang iyong kinalalagyan. Gamitin ang kalayaang makapagsalita. Kung hindi ka man makakaboto, maaaring tumulong na lang sa pagkakaroon ng maayos, malinis at matiwasay na halalan.

Huwag tanggalan ang sarili ng kalayaan! Hindi tayo pipi! Ipaglaban ang nararapat para sa ating inang bayan. Dahil naniniwala akong sa bansang Pilipinas natin makakamit ang inaasam nating kaginhawahan! Tulung-tulong, makibahagi, at gamitin ang kalayaan. Ang Pilipinas ay aahon dahil sa akin, sa iyo, at sa lahat ng Pilipinong may paninindigan. Mabuhay!

3 comments:

  1. So true!!! aun lng...hehehe!!!

    >Keep it up!:D

    ReplyDelete
  2. Hi Chelie,

    You're most welcome... Ye, I've also noticed some redundancies but it's ok... as long as the thought is still there... ma-iimprove pa nmn un e... you had already the ability to write and you just need to hone it a li'l more and everything will be better... Thanks for your visit on my blog, hope you liked it... hehehe!!!:P

    >Good day!!!:D

    ReplyDelete
  3. Hahaha... thanks for the compliment. I 'm following yours too. Hey, i'm not actually good in english, i'm just not afraid to express myself in this way... hehehe.. anyhow, soo nice to be here...

    >Have a good day!!!:D

    ReplyDelete